SOLON SA DEPED: NATUTUTO BA ANG MGA ESTUDYANTE SA DISTANCE LEARNING?
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education na suriin kung natututo ang mga estudyante sa ilalim ng distance learning setup sa gitna ng paninindigan ng ahensiya na walang malinaw na basehan ang mga ulat ng massive dropouts.
Sinabi ni Gatchalian na isa sa nakababahalang sitwasyon kung umakyat ang bilang ng mga mag-aaral na hindi handa para sa susunod na antas ng kanilang pag-aaral.
Idinagdag ng mambabatas na masasayang lamang ang panahon at salapi na ginugol sa isang buong school year kung umabot sa sitwasyon na wala palang sapat na natututunan ang mga mag-aaral.
Iginiit pa ni Gatchalian na dito na papasok ang papel ng assessment sa distance learning para malatag kung saang aspeto ang dapat tutukan sa pag-aaral ng mga bata nang sa gayon ay malaman kung saan sila nahihirapan.
Para kay Gatchalian, ang pagtukoy sa mga ito ay makatutulong para sa pag-target ng mga mag-aaral kung kinakailangang magsagawa ng mga remedial program.
Ginawang halimbawa ni Gatchalian ang pagsasagawa kamakailan ng assessment tests ng non-profit organization na Synergeia.
Ang naturang tests ay para sa mga mag-aaral sa Grade 2 hanggang Grade 6.
Saklaw nito ang subjects na Filipino, English, at Mathematics. Layon ng isasagawang pagsusulit na matulungan ang mga guro at ang mga lokal na pamahalaan na matukoy kung saan sapat at may kakulangan ang natututunan ng mga mag-aaral.
Sa isang pagpupulong noong nakaraang Oktubre, hiniling ng mga alkalde ng Central Luzon sa Synergeia ang pagkakaroon ng assessment tool upang masuri kung epektibo nga ba ang remote education o distance learning.
“Ang ating layunin ay masigurong ang ating mga mag-aaral ay natututo at hindi umuurong ang kanilang kaalaman sa ilalim ng distance learning. Kaya mahalaga ang assessment tools upang matukoy natin kung saang aspeto natin sila dapat tulungan,” pahayag ni Gatchalian.
Bago pa tumama ang pandemya, lumabas sa iba pang mga pag-aaral na hindi sapat ang natututunan ng mga mag-aaral na basic competencies at nahuhuli sila kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ibang bansa.
Ito ay ipinakita ng tatlong global assessments: ang 2018 Programme for International Student Assessment, ang Southeast Asia Primary Learning Metrics 2019, at ang Trends in International Mathematics and Science Study 2019.
Nagpahayag din ng pagkabahala kamakailan ang isang grupo ng mga guro na iniulat na bagama’t ang mga mag-aaral ay hindi pormal na nag-drop sa kanilang mga klase, mayroon sa kanila na hindi nakikilahok sa online class o kaya naman ay hindi nagsusumite ng kanilang requirements.
Iginiit pa ni Gatchalian na dapat suriin kung epektibo nga ba ang paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo, kabilang ang modular distance learning, online learning, at radyo at telebisyon.