Nation

SOLON SA DEPED: MGA GURO HUWAG NANG PAHIRAPAN SA PAGKUHA NG INTERNET ALLOWANCE

/ 6 December 2020

NANAWAGAN si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education na huwag nang pahirapan pa ang mga guro sa reimbursement ng kanilang internet allowance simula noong Marso.

Sa memorandum ng DepEd, gagawin nilang retroactive mula noong Marso ang pagbibigay ng P300 monthly allowance ng mga guro para sa kanilang internet connection.

Gayunman, ilang guro ang dumaing sa The POST na kinakailangan muna nilang magsumite ng official receipt ng pagbili nila ng prepaid load bago ma-reimburse ang P300 monthly allowance.

“Paano kung sa tindahan lang kami nagpapa-load? At kung sakali paano namin hahanapin pa ang mga resibo simula noong March?,” pahayag ng isang guro na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Iginiit naman ni Castro na sa halip na pahirapan, dapat tulungan na lamang ang mga guro para makaagapay sa umiiral ngayong sistema ng pagtuturo.

“Huwag na nilang pahirapan ang mga teachers, nag-abono na nga sila nang walang alinlangan dahil kailangan, sana matulungan sila ng DepEd,” sabi ni Castro sa The POST.

“Ihingi namin ng consideration ito, I know need din iyan sa auditing procedure,”dagdag pa niya.

“Baka dapat matulungan din ng DepEd ang mga teachers na ma-avail ang reimbursements para magamit ang proof of purchase like petty cash vouchers, bill sa telco, etc,” giit pa ng kongresista.

Una nang ikinatuwa ng mambabatas ang memorandum ng DepEd na magbigay ng P300 na monthly internet allowance kahit na malayo sa hinihiling na P1,500 allowance.