Nation

SOLON SA DEPED: ISYU NG MGA MAGULANG TUNGKOL SA INTERNET RESOLBAHIN BAGO ANG PAG-BUBUKAS NG KLASE

/ 3 August 2020

DAPAT na resolbahin ng Department of Education ang mga isyung inilahad ng mga magulang sa kanilang survey bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

Sa 45 araw na enrollment, nagsagawa ng survey ang DepEd sa mga magulang at guardian upang matukoy ang kanilang mga saloobin sa planong blended learning scheme para sa Academic Year 2020-2021.

Lumitaw sa survey na 6.9 milyong magulang at guardians ang nagsabing pangunahing suliranin nila ang unstable mobile/internet connection at ang kawalan ng gadgets at equipment para sa pag-aaral ng mga bata sa ilalim ng distance learning.

Lumabas din sa survey na problema rin ng mga magulang ang independent learning lalo pa’t marami sa mga ito ang may mga trabaho rin.

“With their own survey results revealed, we now ask the Department of Education what it plans to do with the legitimate concerns raised by the parents and guardians of our learners,” sabi ni Castro

“Makikita sa sarili nilang survey na hindi akma at marami pang problema na kinakaharap at kakaharapin ang mga guro, magulang at kabataan sa plano ng DepEd na paraan ng pagbibigay edukasyon sa ating mga kabataan. Napakalimitado ng mabibigyan ng access sa dekalidad na edukasyon sa pinipilit ng DepEd na mga moda ng pag-aaral,” sinabi pa ni Castro.

Nanindigan ang kongresista na anti-poor ang blended learning na magreresulta lamang sa milyong out-of-school youth na karamihan ay mula sa mahihirap.

Kinontra rin niya ang plano ng DepEd na kumuha ng retired teachers na makakatuwang sa pag-tuturo sa mga estudyante sa kani-kanilang bahay.

Ipinaalala ni Castro na may edad na ang mga retiradong guro at vulnerable sila sa Covid19.

“Kailangang maglahad ang DepEd ng konkretong plano at maglaan ng sapat na badyet para sa ligtas at dekalidad na balik-eskwela para sa lahat. We will not allow the Department of Education to impose measures for back-to-school without adequate safety protocols for students, teachers and non-teaching personnel and use out-of-pocket expenses to comply with the new DepEd guidelines with its blended learning modalities,” pagdidiin pa ni Castro.