SOLON SA DEPED: ACADEMIC EASE PARA SA MGA GURO IPATUPAD NA
HINIMOK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education na magpatupad ng academic ease para sa mga guro.
Iginiit ni Castro na ang pinahabang school year at pinaikling bakasyon ay nakaaapekto na sa kalusugan ng mga titser.
“Kami ay nananawagan sa DepEd na talagang ipatupad na ang academic ease sa ating mga guro. ‘Yung prolonged school year ay i-review at itong mga overtime pay ng mga teacher ay dapat ibigay at ang kanilang mga hinihiling na benepisyo ay dapat na ring maibigay,” sabi ni Castro.
Binigyang-diin niya na sa isinagawang online survey ng Alliance of Concerned Teachers ay lumitaw na apektado na ang mental at physical health ng mga guro sa ipinatutupad na blended learning.
Sa survey, 70 percent ang nagsabi na mayroong nang negative impact ang blended learning kung saan 10 percent ang apektado na ang mental health bukod pa sa 10 percent na nagkakasakit.
“At sa isinagawa ring survey, lumalabas din dito na sa NCR, halimbawa, more than 8 hours ang ginugugol ng ating mga guro para ma-fulfill ‘yung lahat ng mga ipinagagawa ng Department of Education sa ating mga guro. Sa ibang rehiyon nga, 9 to 16 hours pa nga,” dagdag ni Castro.