SOLON SA CHED: SISTEMA NG EDUKASYON SA PANDEMYA MULING PAG-ARALAN
HINIMOK ni Kabataan Partylist Representative Sarah Jane Elago ang Commission on Higher Education na muling pag-aralan ang ipinatutupad na sistema ng pagtuturo ngayong academic year 2020-2021.
“Mukhang kailangang aralin muli paano inihahatid ang pagkatuto, ang mode of learning sa panahon ng pandemya. Patong-patong na ang requirement at mayroon ding recording ng attendance,” pahayag ni Elago.
Iginiit ni Elago na dapat pag-aralan kung kailangang i-recalibrate ang course content, program requirement ng faculty at ng mga eskuwelahan.
Agaran ding pinakikilos ng kongresista ang CHED sa panawagan hinggil sa pagpapatupad ng academic break sa gitna ng deklarasyon ng state of calamity sa buong Luzon.
“This is a matter of necessity. We call on CHED to act in sense of urgency,” sabi ni Elago.
Sinabi ng mambabatas na marami silang natatanggap na report na bagama’t nagpatupad ng class suspension ang ilang unibersidad at kolehiyo, tuloy naman ang pagpapatupad ng deadline sa mga requirement na kailangang ipasa.
Idinagdag pa ni Elago na dapat bumalangkas ang CHED ng malinaw na polisiya sa academic break.
“Iniiwan ng CHED ang desisyon sa kanya-kanyang administrator ng schools. Eh, hindi pantay-pantay ang nagiging recognition sa panawagan, hindi kumpleto ang access,” diin ni Elago.
Sinuportahan naman ng iba pang miyembro ng Makabayan bloc ang panawagan ng Kabataan Partylist para sa academic break.
Sinabi nina Bayan Muna Representatives Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite na magagamit ang academic break upang mabawasan ang pressure sa kabataan sa kanilang pag-aaral.
Maaari ring tumulong sa mga komunidad na nasalanta ang mga mag-aaral. Bilang kabataan na nasa kalakasan, malaki ang magiging ambag nila sa lipunan,” dagdag pa ni Cullamat.