Nation

SOLON: PAANO ANG 6M NA ESTUDYANTENG ‘DI NAKAPAG-ENROL?

/ 9 August 2020

ILANG araw bago ang itinakdang pagbubukas ng klase, wala pa ring malinaw na plano ang gobyerno para sa anim na milyong estudyante na hindi nakapag-enrol sa bagong sistemang ipatutupad sa academic year 2020-2021.

Ito ang naging punto ng interpelasyon ni Kabataan party-list Rep. Sarah Jane Elago kay House Deputy Speark at Camarines Sur 2nd Rep. Luis Raymund Jr. ‘LRay’ Villafuerte sa isinusulong na House Bill 6953 o ang proposed Bayanihan to Recover as One Act.

Sa kanyang pagtatanong kay Villafuerte, iginiit ni Elago na bagama’t may mga probisyon sa panukala hinggil sa ayuda sa mga guro at estudyante, hindi naman nabigyan ng pansin ang mga hindi pa nakapag-enrol sa iba’t ibang rason.

Ayon kay Elago, kabilang sa mga hindi pa nakapag-enrol ang mga walang pambayad ng matrikula, ang may utang pa sa kanilang paaralan dahil sa biglaang lockdown noong Marso at maging ang mga hindi pa rin nababayarang voucher ng gobyerno sa nakalipas na school year.

Sinabi naman ni Villafuerte na batay sa pahayag sa kanila ng Commission on Higher Education, unti-unti nang nababayaran ang backlog ng kanilang mga bayaring voucher.

Ipinunto rin ni Elago na ilang paaralan din ang nagpatupad ng tuition increase o hindi nagbago ang mataas na singilin na kinabibilangan ng energy at internet fees.

Dahil dito, inirekomenda ni Elago na isama sa Bayanihan 2 ang probisyon para sa moratorium sa school fees increases, gayundin ang education emergency relief package o funding para sa mga paaralan, mag-aaral at faculty.

“Mas malaking balon ng pondo para sa pangangailangan sa edukasyon ngayong panahon ng pandemya,” sabi pa ni Elago.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Elago na darating ang pasukan na hindi pa rin handa ang mga ahensiya ng gobyerno na dapat magtataguyod sa pag-aaral.

Tinukoy niya ang ilang school division na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng pondo para sa mga pangangailangan sa pag-iimprenta ng modules.