SOLON: NO PERMIT, NO EXAM PROHIBITION ACT MALABNAW
BAGAMA’T nagpahayag ng katuwaan sa paglagda sa ‘No Permit, No Exam Prohibition Act’, aminado si Kabataam Party-list Rep. Raoul Manuel na hindi sapat ang mga probisyon ng batas.
“Matagal nang dinadaing ng mga estudyante at magulang ang pagpapatigil sa patakarang No Permit, No Exam sa mga paaralan. Kaya naman noong 2007, sa unang termino pa lang ng Kabataan Partylist, sinampa na natin sa Kamara ang panukalang batas para ipagbawal ang No Permit, No Exam policy,” pahayag ni Manuel.
“Ikinatutuwa ng marami ang balita na naging batas na ang naturang panukala. Nagpapasalamat ang Kabataan Partylist sa lahat ng mga nagtitiwala at kumikilala sa kakayahan ng kabataang Pilipino na isulong ang makamasang edukasyon,” dagdag ng kongresista.
Gayumpaman, sinabi ni Manuel na pinalabnaw ang bersyon ng batas na unang sinampa ng Kabataan Partylist.
Sa pinirmahang bersyon, kailangan pang kumuha ang mga estudyante ng Department of Social Welfare and Development certification para patunayang hindi nila kayang magbayad bago ang exam period.
Pinababa rin, aniya, sa batas ang parusa sa mga paaralang lalabag sa batas.
“Inaaprubahan din naman ng gobyerno ang taunang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga paaralan. Pinoprotektahan pa rin ng Malacañang ang limpak-limpak na kita ng mga dambuhalang negosyo na nagmamay-ari ng mga paaralan,” dagdag pa ng kongresista.