Nation

SOLON NAGBANTANG HAHARANGIN ANG 2022 BUDGET NG DEPED

/ 15 September 2021

NAGBABALA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hahadlangan ang pag-apruba sa budget ng Department of Education kung hindi pa rin mailalabas ang polisiya kaugnay sa overtime pay ng mga guro.

Sa pagtalakay ng House Committee on Appropriations hinggil sa proposed 2022 budget ng DepEd, inungkat ni Castro ang nakabimbin pa ring usapin sa overtime pay ng mga titser mula Hunyo 1 hanggang Oktubre 4.

Batay sa pahayag ng Department of Budget and Management, may P414 milyong pondo ang DepEd para sa teaching overload payment na maaaring gamitin para sa overtime time.

Gayunman, ayon sa DBM, kailangang magpalabas ang DepEd ng polisiya para sa overtime pay.

Ipinaalala ni Castro na sa diyalogo nila sa DepEd at Civil Service Commission noong Hunyo 24, nangako ang education agency na maglalabas na ng polisiya upang agad nang maibigay sa mga guro ang dagdag benepisyo.

“Kaya naman pala hanggang ngayon ay wala pang guidelines na inilalabas ang DepEd tungkol sa matagal na panawagan ng mga pampublikong guro para sa kompensasyon na nararapat lamang na maibigay sa kanila ay dahil hindi pa inaaaksiyunan ng DepEd ang ipinangako nilang guidelines,” pahayag ni Castro.

“Napakabilis nilang maglabas ng mga memo o department order tuwing dagdag na trabaho, attendance sa mga webinar, gabundok na paperworks ang ipapagawa sa mga teacher pero itong benepisyo na karapat-dapat lamang na maibigay sa kanila ay ginigipit pa. Kung hindi nagsilbi ang mga guro noong panahon na June 1 to October 4, hindi maitatawid ang pagbubukas ng klase noong nakaraang taon,” diin pa ng kongresista.

Iginiit ni Castro na patunay ito ng ‘insensitivity‘ ng education department sa hiling ng mga guro para sa tamang kompensasyon.

“The education department was so eager to boast about the benefits and salaries of our teachers, benefits that are already provided by law and even outdated amounts with the rising cost of basic goods, yet it is so quick to deny our teachers the overtime pay they deserve,” sabi pa ni Castro

“Ang overtime pay na hinihingi ng mga kaguruan natin ay suweldo sa ginawa nilang trabaho. Bakit kailangan pang manlimos ng mga guro natin para sa sapat na kompensasyon na trinabaho naman nila? Trabaho na kung hindi nila ginawa ay walang natuloy na pasukan,” dagdag pa ng kongresista.