SOLON: HEALTH BREAKS KAILANGAN NG MGA ESTUDYANTE
NANINDIGAN si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na hindi makatutulong sa mga estudyante kung paiikliin ang kanilang bakasyon at gawin na lamang itong dalawang linggo.
Ito ay kasunod ng plano ng Department of Education na palawigin pa ang school year dahil naging mahaba naman umano ang bakasyon ng mga estudyante nang iatras ang pagsisimula ng klase ngayong Academic Year 2021-2022.
“Hindi sang-ayon ang Kabataan Partylist sa plano ng DepEd na i-extend ang school year at gawin lamang dalawang linggo ang summer break,” pahayag ni Elago.
“Maraming kabataan na ang hindi makasabay sa distance learning dahil sa dagdag na gastos at kawalan ng access o kahirapan sa online classes, maging sa mga modules, nasasangkalan na ang kalidad ng kanilang edukasyon,” dagdag pa ng mambabatas.
Iginiit ni Elago na hindi solusyon ang pagpapalawig ng school year para bigyang pagkakataon ang ibang estudyante na makumpleto ang kanilang school requirements.
“Health breaks are much-needed and critical for learning amid the pandemic not only for students but also for teachers and administrators,” diin ni Elago.
Idinagdag pa ng mambabatas na maaaring gamitin ang summer break sa assessment sa ipinatutupad na blended distance learning at pagpaplano para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan o sa unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.
“We hope that the voices of students and school stakeholders will be truly heard and actively engaged in all of our education agencies’ pandemic response and recovery steps,” dagdag pa ni Elago.