Nation

SOLON: AYAW NG GOBYERNO NA MAKAPAG-ARAL ANG MGA KABATAANG LUMAD?

/ 4 November 2020

KINUMPIRMA ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na nasa 75 sa 97 na natukoy nilang communist learning schools sa mga Indigenous People community ang napatigil na ang operasyon.

Sa pagdinig sa Senado kaugnay sa isyu ng red-tagging, nanindigan ang security forces na sa mga learning school na ito tinuturuan ang kabataan ng mga usapin kaugnay sa rebelyon.

Iginiit ng opisyal na sa edad na 8 hanggang 10  pa lamang ay unti-unti nang sinasanay ang mga ito kaya dumami ang child combatants sa edad na 15.

Bagaman hindi dumalo sa pagdinig, agad na inalmahan ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang pagmamalaki ng AFP bilang accomplishment ang pagpapasara sa mga paaralan na kinabibilangan ng Lumad School.

“Huli sa sariling bibig, inamin mismo ng militar na sila ang nagpapasara sa mga Lumad schools. Ipinagmamalaki pa ito na accomplishment ng NTF-ELCAC. Ito ba ang inaatupag nila? Ang pag-atake sa mga katutubong paaralan at komunidad? Hindi accomplishment ang pagkakakait ng edukasyon sa mga kabataang Lumad.” pahayag ni Cullamat.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang Lumad schools ay bunga ng pagsisikap ng mga katutubo upang makapag-aral ang kanilang mga anak at itinayo para sa kinabukasan ng Lumadnong kabataan.

“Noon, maganda ang ugnayan ng Department of Education sa mga administrador ng aming Lumad na paaralan at ng mga katutubong lider ng komunidad. Sa katotothanan, nakatanggap pa ng pagkilala mula mismo sa DepEd ang mga paaralang ito bilang pinakamahusay na literacy at numeracy program mula 1998-2014 para sa serbisyong edukasyon sa elementarya at sekundarya.” dagdag pa ng kongresista.

Binigyang-diin pa ng lady solon na ang itinuturo sa mga paaralan ay ang pagpapaunlad sa ekonomiya na nakabatay sa agrikultura habang inaalagaan ang lupang pinagmumulan ng kanilang pangkabuhayan, kultura at dignidad.

“Dahil sa mga paaralang ito nakakabasa at nakakasulat na ang aming kabataan. Lumalakas ang aming pagdepensa sa lupang ninuno. Tila ayaw ng gobyerno na makapag-aral ang mga Lumad upang mapadali ang panloloko at pangangamkam ng lupang ninuno” giit pa niya.