SOCIAL MEDIA AWARENESS IPINASASAMA SA PRIMARY AT SECONDARY EDUCATION CURRICULUM
ISA pang panukala na naglalayong maisama ang social media awareness sa curriculum ng primary at secondary education ang isinusulong sa Kamara.
Inihain ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte ang House Bill 4648 o ang proposed Social Media Awareness in Schools and Universities Act na nagtutulak na maituro sa mga paaralan at unibersidad ang kahalagahan ng responsable, patas at makatotohanang paggamit ng social media.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Villafuerte na nasa 85 percent ng Filipino adults ang mobile phone user na ginagamit sa pag-access ng social media accounts.
“With social media as platforms, Filipinos have found an easier and efficient way to get their messages across and exercise their right to freedom of speech,” pahayag ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, ituturo sa mga estudyante ang tamang paggamit sa social media para sa dissemination of information, gayundin sa paglalabas ng saloobin o opinyon, pagpapahalaga sa katotohanan, at sa critical-thinking.
Mandato ng Department of Education, katuwang ang Department of Information and Communications Technology, na bumao ng mga kaukulang programa para sa social media awareness.
Nakasaad din sa panukala na gagawing bahagi ng National Service Training Program ang social media awareness, partikular ang service components na may kinalaman sa Literacy Training Service at Civic Welfare Training Service.
Nakapaloob din sa panukala na dapat bumuo ang mga pribadong korporasyon ng mga polisiya para sa responsableng paggamit ng iba’t ibang uri ng social media.