Nation

SMART CAMPUSES WALANG PONDO SA 2021 — CHED

/ 17 September 2020

KINUMPIRMA ni Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera na walang inilaang pondo ang Department of Budget and Management para sa pagbuo ng smart campuses sa panukalang 2021 budget.

Sa hearing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni De Vera na ang panukalang budget para sa CHED sa susunod na taon ay P50.9 billion, mas mataas sa P47 billion na budget ngayong taon.

Gayunman, sanhi ng Covid19 pandemic ay bumaba ito sa P32.8 billion ngayong taon dahil ang halos P15 billion ay tinamaan ng realignment ng pondo.

Idinagdag pa ni De Vera na maging ang P3 bilyong inilaan sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 para sa smart campuses ay hindi rin sapat.

“Realistically, foundations lang po ang maitatayo sa P3 billion fund. It can’t produce a smart campus. After po nito, hindi na namin alam ang susunod,” pahayag ni De Vera.

Sinabi ng opisyal na sa ngayon ay bumuo na sila ng technical working group kasama ang ilang eksperto na nakaaalam sa smart campuses.

Samantala, ang P600 million namang pondo para sa one-time cash assistance sa mga guro ay kinakailangan pa nilang pag-usapan ng Department of Education.

Ipinaalala ni De Vera na saklaw ng pondo ang mga guro sa basic education at higher education kaya kailangan pa nilang alamin kung magkano ang matatanggap ng mga titser.