Nation

SISTEMA SA DISTANCE LEARNING MARAMING DAPAT BAGUHIN — GATCHALIAN

/ 28 April 2021

AMINADO si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairperson Sherwin Gatchalian na maraming kinakailangang baguhin ang Deparment of Education sa ipinatutupad na sistema sa distance learning.

Sinabi ni Gatchalian na kung distance learning pa rin ang ipatutupad sa susunod na school year, kailangang mas maging maayos ang sistema upang matiyak ang pagkatuto at mabawasan ang hirap sa mga estudyante, magulang at mga guro.

Una na sa nais na baguhin ng senador ay ang sistema sa paggawa at pamamahagi ng self-learning modules.

“Marami tayong dapat baguhin… Unang-una, siguraduhin na natin na walang tinatawag nating mga errors o mga mali dahil ito ay isa sa pinaka-kontrobersiyal. ‘Yung pagbibigay ng ating self-learning modules, ang dami doon ‘yung tinatawag nating stereotyping tulad po ‘yung mga halimbawa na ginagamit nila ay hindi maganda. Marami rin pong mga halimbawa doon na nagiging political na hindi rin tama ‘yun. Ibig sabihin, ayusing mabuti ang paggawa ng self-learning modules. I-review nang mabuti,” pahayag ni Gatchalian.

Idinagdag pa ng senador na kailangan ding palakasin ang paggamit ng telebisyon at radyo para mas marami ang matutong estudyante.

“Pagdating naman po sa tinatawag nating distance learning, ang TV at radio dapat maayos mabuti dahil ako gusto ko sana bumalik tayo sa face-to-face learning pero sa ganitong takbo napakahirap sabihin kung ano ang mangyayari, maghanda rin tayo sa tinatawag nating distance learning. At ang ginagamit natin sa distance learning ay ang TV at radio, so maghanda rin po tayo sa paggamit ng TV at radio,” paliwanag ng senador.

Idinagdag pa niya na importante ring bahagi ng distance learning ang pagpapalakas ng internet connection.

“Kailangan talaga ng internet at kahit na distance learning ang ginagamit natin, maraming mga LGU ang gumagamit ng Facebook para maihatid ang pagtuturo sa mga mag-aaral,” dagdag pa ni Gatchalian.