Nation

SINO NGAYON ANG MANANAGOT SA RED-TAGGING SA UP ALUMNI? — SOLON

/ 25 March 2021

NABABAHALA si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na tuluyan nang walang mapanagot sa pagkakamali ng Armed Forces of the Philippines sa red-tagging sa ilang alumni ng University of the Philippines.

Ito ay kasunod ng desisyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na i-reinstate sina Major Gen. Benedict Arevalo at Maj. Gen. Alex Luna.

“Mahigpit na kinokondena ng mga kabataan at nararapat lamang tutulan ang reinstatement nina Mgen Luna at Mgen Arevalo. Sa gagawin nilang ito, walang mananagot at mapaparusahan para sa nangyaring panre-red-tag sa mga UP alumni,” pahayag ni Elago.

“Double standard ang ipinatutupad nila at wala naman kasi talaga silang intensiyon na panagutin ang mga red-tagger dahil matagal nang napatunayang polisiya ng mga militar ang walang habas na panre-red-tag,” dagdag ng kongresista.

Ipinaalala pa ni Elago ang naging unilateral decision ni Lorenzana na i-abrogate ang UP-DND Acccord na hanggang ngayon ay walang aksiyon sa mga panawagang ibalik ang kasunduan.

Nanindigan pa si Elago na dapat papanagutin ang lahat ng red-tagger at human rights violators na pinangungunahan ng mga militar.

Sinabi naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang pahayag ni Lorenzana na bigyan ng 2nd chance ang dalawang opisyal ay bahagi ng pag-amin sa kanilang kapalpakan.

“Dramatic talaga si Secretary Lorenzana sa pagsasabing give them second chance. At the onset hindi ko inaasahan na tuluyang tatanggalin ang dalawang opisyal at kunwari inimbestigahan. Dahil ang red-tagging ay bahagi ng polisiya ng NTF-ELCAC na kinabibilangan ng AFP,” dagdag pa ni Castro.

Samantala, nilinaw ni Lorenzana na hindi pa ‘cleared’ sa liability ang dalawang heneral at naparusahan sila dahil sa command responsibility.

Inamin din ng Defense secretary na binigyang-diin niya ang magandang record ng dalawa at hahanapin ang katotohanan sa kanilang pagkukulang.

“I have exhaustively reviewed the case involving Maj. Arevalo and Maj. Luna from the reports submitted to me, I believe that both men were not directly responsible for the lapse over the publication of the unverified and unofficial list of UP students who have been linked with left-leaning groups. I am not completely clearing them of liability, in fact they were punished under the principle of command responsibility. Their track records would show that they have always performed their duties conscientiously and competently,” sabi ni Lorenzana.

Una nang sinibak sa puwesto ni Lorenzana si Luna noong Enero 28, 2021 matapos na malathala ang listahan ng mga indibidwal na na-red-tag bilang miyembro ng NPA at napatay ng militar sa operasyon.

Si  Arevalo naman ay kusang nagbitiw dahil sa kontrobersiya sapagkat ang kanyang opisina ang naglathala ng nasabing listahan.