‘SININGSAYA’ CHILDREN HISTORY BOOKS DONASYON NG JAAF SA QC LIBRARY
NASA 60 na kopya ng SiningSaya Workbook ang ibinigay ng J. Amado Araneta Foundation at Gateway Gallery sa Quezon City Public Library kamakailan.
Tulong ito sa mga mag-aaral ngayong pandemya upang patuloy na maging interaktibo at makulay ang pag-aaral ng Kasaysayan ng Filipinas.
Ang akda, na pinamagatang SiningSaya: A Workbook for Children Based on the SiningSaysay: Philippine History in Art Exhibit, ay bunga ng pagtutulungan ng JAAF, Gateway Gallery, at Adarna House sa pagnanais na mailimbag ang ipinagmamalaking permanent exhibit kasama ang University of the Philippines College of Fine Arts.
Karagdagang materyal pampag-aaral ang SiningSaya para sa mga estudyanteng may edad 8 hanggang 12. Layon niyong bigyan ang mga bata ng mas malalim na pang-unawa sa kasaysayan at kulturang Filipino sa pamamagitan ng mga mapanghamon at nakatutuwang gawain na batay sa 30 painting ng SiningSaysay.
Ngayong nililimitahan din ang pagtungo sa mga lugar gaya ng Gateway Gallery, ang akda ang naisip nilang isa sa mga paraan kung paano mapananatili ang ‘saya’ na hatid ng sining, panitikan, kasaysayan, at iba pang disiplinang humanidades at agham panlipunan.
Pinangunahan ni Ms. Helen Valenzuela, Gallery Officer, ang pagbibigay ng mga libro.
Tinanggap naman nina Librarian III for Education & Recreational Section Alistair Troy Lacsamana, Cherry Ann Taruc, Technical Section Head, Mariza G. Chico, OIC-Quezon City Public Library, at Ma. Victoria Manuel, Technical Section Librarian ang nasabing donasyon.
Ang Gateway Gallery ay pinangangasiwaan ni Museum Curator Gari Apolonio. Nakailalim ito sa JAAF, ang corporate social responsibility arm ng Araneta Group, kasama sina Executive Director Diane Romero at Deputy Director Glenda Carlota.