Nation

SIM CARD REGISTRATION VS CHILD EXPLOITATION NAPAPANAHON – SENADOR

/ 25 January 2021

NANINIWALA si Senador Win Gatchalian na ang mandatory registration ng prepaid SIM cards ang isa sa mga paraan upang masugpo ang online sexual exploitation of ko sa children.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang kawalan ng batas sa SIM card registration ay isa mga hadlang sa mga awtoridad sa pagtugis sa mga child cybersex offender na ginagamit ang teknolohiya upang hindi sila mahuli.

Batay sa pag-aaral ng United Nations Office on Drug and Crime noong 2014, ginagamit ng mga child cybersex offender ang mga disposable na prepaid SIM cards upang hindi sila matunton.

Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na napapanahon nang aprubahan ang kanyang Senate Bill 176 o ang Subscriber Identity Module Card Registration Act.

Sa ilalim ng panukala, ang mga gumagamit ng prepaid SIM cards ay kailangan nang magsumite ng valid ID at larawan at lumagda sa isang control-numbered registration form mula sa service provider ng SIM card.

Magbibigay rin ng kopya ng naturang registration form sa National Telecommunications Commission.

Unang inihain ni Gatchalian ang panukala noong Hunyo 2016 at inulit noong Hulyo 2019.

Matatandaang nagbabala si Gatchalian sa mga ulat ng mga mag-aaral na nagbebenta ng mga malalaswang lawaran at mga video upang makalikom ng pantustos sa distance learning.

Una nang iniulat ng The POST na mga online payment platform ang ginagamit para sa mga transaksiyong ito.

Inihayag naman ng non-government organization na International Justice Mission na ang Filipinas ang pinagmumulan ng pinakamaraming kasong may kinalaman sa OSEC.

Ipinapaliwanag ng grupo na mas mataas ng halos walong beses ang mga ulat na natatanggap ng Filipinas sa referral ng mga kaso kung ihahambing sa ibang bansa.

Ngunit pinalala ng pandemya ng Covid19 ang suliranin ng bansa sa OSEC.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, 47,937 ang naiulat na mga transaksiyong may kinalaman sa OSEC.

Mas mataas ito sa 19,000 na naitala noong 2019. Dagdag ng opisyal, ang median age ng mga biktima ay 11 taong gulang.

“Sa ating pagsugpo sa child pornography, kailangan nating isulong ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal sa likod ng mga karahasang ito. Kung magiging batas ang pagpaparehistro sa mga prepaid SIM card, mas mahirap nang makapagtago at makatakas ang mga traffickers na umaabuso sa ating mga kabataan,” pahayag ni Gatchalian.