Nation

SIBAKAN DAHIL SA MABABANG ENROLLMENT INALMAHAN NG PACU

/ 10 August 2020

HINDI kumbinsido ang mga guro ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo na dapat mauwi sa tanggalan sa trabaho ang bagsak na enrollment dahil sa epekto ng Covid 19 pandemic.

Sa pagtaya ng Philippine Association of Colleges and Universities, mula 40%  hanggang 60% ang mababawas sa enrollment sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo ngayong taon.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni PACU President Caroline Enriquez na marami sa mga estudyante ang hindi na makapag-enroll dahil nawalan ng trabaho ang kanilang mga magulang bunsod ng pandemya.

Dahil dito, sinabi ni Enriquez na posibleng magsara ang ilang paaralan hindi man ngayong semestre kundi sa susunod na taon kung magtutuloy-tuloy na hindi nila makuha ang target na dami ng mga estudyante.

“It’s very difficult to have the students enroll in private schools. Many are coming from OFW families or they have parents who lost their jobs because of Covid 19,” pahayag ni Enriquez.

Sa datos, 55% ng populasyon ng mga estudyante sa tertiary level ay nag-eenroll sa private institutions subalit kung patuloy na bababa ang numero ng enrollees ay maaari ring magtanggalan ng mga guro.

“What the schools are doing right now, if they do not reach 50%, to cut off the retrenchment, some are putting their teachers on floating status just to wait out hopefully by January na sana dumami ang enrollment,” paliwanag pa ni Enriquez.

Kinontra naman ng mga guro ang hakbang na ito ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad, lalo na sa mga institusyong matagal nang nag-ooperate.

“It is difficult to understand that a century old school can no longer pay some of their workers. Huwag lang tingnan ang losses but financial condition of the school. Loss can be mitigated by resumption of revenues,” pahayag ni Rene Tadle, convenor ng Council of Teachers and Staff of the Colleges and Universities of the Philippines.

Sa isyung ito, pinuna naman ni Senador Imee Marcos ang mataas pa ring matrikula sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo, kasama na rin ang miscellanous fees.

“Ang hindi maintindihan ng mga magulang at anak ay bakit may laboratory fees, library fees, additional medical and dental fees, internet at computer fees tapos may energy consumption fees pa. Eh, under 21 years old naman ang mga estudyante, bawal lumabas, eh bakit magbabayad ng katakot-takot?” pahayag ni Marcos.

Ipinaliwanag naman ni Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera na ang miscellanous fee ay para sa adjustment ng mga institusyon sa distance learning kasama na ang leaning packets na gagawin at gastos sa internet.

Gayunman, ipinaalala ni De Vera na kailangang maipaliwanag nang mabuti ng mga paaralan sa mga magulang ang kanilang paniningil.