SHS STUDENTS TARGET UNAHIN SA F2F CLASSES
POSIBLENG mauna ang mga Senior High School student sa pagsasagawa ng face-to-face classes sakaling payagan na ulit ito ng pamahalaan, ayon sa Department of Education.
Sa isang television interview, sinabi ni Deped Undersecretary Diosdado San Antonio na maaaring maging prayoridad ang mga SHS student, lalo na sa mga technical vocational course.
“Naniniwala kami na iyong mga senior high school learners, lalo na sa tech-voc, ay puwedeng maging priority,” pahayag ni San Antonio.
Paglilinaw niya, hindi sabay-sabay na pupunta ang mga estudyante sa eskuwelahan kung saan naka-schedule basis ang mga ito.
“Hindi rin sila kailangang sabay-sabay na magpuntahan sa school, staggered din iyan para mas kakaunti ang bata na nasa paaralan,” dagdag ni San Antonio.
Patuloy rin, aniya, ang paghahanda ng DepEd para sa dry run ng limited face-to-face classes habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Nakatakda sanang magbukas ang limited face-to-face classes nitong Enero subalit pinigilan ito ni Pangulong Duterte dahil sa banta ng bagong Covid19 variant na sinasabing mas nakahahawa.