Nation

SHORTER CLASS HOURS HILING NG MGA GURO

/ 25 April 2023

HINILING ng Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education na paikliin ang class hours sa mga pampublikong paaralan bunsod ng matinding init na kasalukuyang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa.

Sa paglilinaw na inilabas ng ahensiya noong Huwebes, Abril 20, pinapayagan nito ang mga punong-guro na magsuspinde ng face-to-face classes at gumamit ng modular distance learning modality kung kinakailangan.

Ayon naman kay Benjo Basas, National Chairperson ng TDC, kinikilala nila ang memorandum na ito ngunit dapat aniyang mas espesipiko ang instruksiyon ng DepEd upang hindi mag-alinlangan ang mga school head na ideklara ang suspensiyon ng face-to-face classes.

Sa puntong ito, ayon pa rin kay Basas ay mas mainam na gawing kada dibisyon ang panuntunan, “kasi kadalasan ay iisa lang naman ang temperature sa buong dibisyon, kaya mas mabuting magdeklara ang superintendent ng dibisyon alinsunod sa konsultasyon sa school heads at mga guro.”

Karaniwang sakop ng mga dibisyon ng DepEd ang isang buong probinsya o lungsod.

Ipinaliwanag din ni Basas na dahil walang ibang opsiyon sa memorandum na inilabas ng DepEd kundi modular distance learning ay nagdadalawang-isip ang ibang school heads dahil ayaw nilang makompromiso ang pag-aaral ng mga bata. Kaya naman iminungkahi ng grupo na gawing isa sa mga opsiyon ang pagpapaikli sa oras o pagbabawas sa araw ng klase upang matiyak na mayroon pa ring physical classes kasabay ng modules.

“‘Yang pure modular ay napatunayan nang hindi effective, kaya nga may learning gaps tayo ngayon. Baka puwedeng shortened period na lang, halimbawa ay once or twice a week na physical classes between 6 to 9 or 10am sa morning session at 3-6pm sa afternoon session kung double shift ang schedule ng school,” paliwanag ni Basas.

Ito, aniya, ang panukala ng kanilang grupo habang hindi pa naisasapinal ng DepEd ang pagsasaalang-alang sa pagbabalik sa old school calendar kung saan natatapat ang school break sa Abril at Mayo, ang pinakamaiinit na buwan ng taon.

Iminungkahi rin ng TDC na payagan ang mga guro na hindi muna magsuot ng opisyal na uniporme ng DepEd sa kasagsagan ng init.

“Mainit talaga ang uniform namin eh, so hindi komportable ang mga guro at nakadaragdag pa ito sa stress at physical exhaustion. Mainit na ang panahon, masikip pa ang classroom, mainit pa rin ang suot ni teacher. Maari naman kaming magsuot ng disente pero komportableng damit sa tag-init,” dagdag pa ni Basas.

Nakahanda, aniya, ang TDC na makipagpulong sa mga opisyal ng DepEd upang ipakita ang mga karanasan ng mga guro at bata kaugnay sa kalagayan ng mga paaralan at makapagbigay ng suhestiyon na maaaring maging batayan ng DepEd sa isasagawang polisiya.

“Ang pangmatagalang solusyon dito ay ang pagpapaliit ng bilang ng mag-aaral kada klase para maiwasan ang siksikan, pagpapatayo ng mas maraming classrooms, hiring ng mas maraming guro at pagbibigay ng maayos na bentilasyon kagaya ng sapat na bilang ng electric fans o ‘di kaya ay air conditioning system sa mga paaralan,” pagtatapos ni Basas.