SENIOR HS STUDENTS IPINASASAILALIM SA BASIC MILITARY AT POLICE TRAINING
SA LAYUNING buhayin sa puso at isipan ng kabataan ang pagmamahal sa bayan, inirekomenda ni Senador Francis Tolentino ang pagtuturo ng basic military at police training sa Senior High School students.
Sa inihaing Senate Bill 212 o ang proposed Basic Military and Police Training in Senior High School Act, ipinaalala ni Tolentino na polisiya ng Estado na kilalanin ang papel ng kabataan sa nation building.
Dahil dito, binigyang-diin ni Tolentino na dapat buhayin sa kabataan ang pagiging makabayan, pagpapalalakas ng kanilang moral character at personal discipline.
Iginiit pa ng senador na dapat mahikayat ang kabataan na makiisa sa public at civil affairs.
Sa ilalim ng panukala, mandato ng Department of Education, katuwang ang Department of National Defense at Department of the Interior and Local Government, na bumuo ng mandatory two- year Basic Military and Police Training Program para sa Grades 11 at 12.
Ang programa ay magiging bahagi ng basic curriculum para sa Senior High Education sa lahat ng pampubliko at pribadong educational institutions.
Nakasaad pa sa panukala na ang mga estudyanteng hindi sasailalim sa mandatory Basic Military at Police Training ay hindi kuwalipikado sa graduation.