SENATORS SA DEPED: METRO MANILA ‘WAG ISAMA SA PILOT TESTING NG F2F CLASSES
KINONTRA ng mga senador ang plano ng Department of Education na isama sa pilot testing ng face-to-face classes ang ilang lugar sa Metro Manila at iba pang urban areas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa pangunguna ni Senador Sherwin Gatchalian, kinumpirma ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na mula 1,069 ay itinaas nila sa 1,579 ang lugar na napili nilang gamitin bilang pilot testing areas.
Sinabi ni Malaluan na kasama sa 1,579 ang 36 paaralan mula sa National Capital Region sa sandaling ideklara na ang Modified General Community Quarantine.
Sa presentasyon ni Malaluan, limitado lamang sa half day ang face-to-face classes dahil nais nilang makatiyak na sa kani-kanilang bahay na aabutan ng oras ng pagkain ang mga estudyante.
Agad namang umapela si Senadora Nancy Binay sa DepEd na huwag munang isama sa listahan ang NCR at maging ang Quezon province.
“Piling-pili lang dapat ang gamitin sa pilot face-to-face para maging acceptable kay Presidente. Kung ganyan ang presentation, parang kahit ako ayoko na mag face-to-face kasi kahit naman ideklara na siya ng MGCQ, andiyan pa rin ang risk ng Covid19,” diin ni Binay.
Idinagdag ng senadora na kung maaari ay idetalye na ng DepEd sa kanilang presentasyon ang pangalan ng mga paaralan at maging ang bilang ng mga estudyante.
“Kung puwede nga ‘pag nagpresent sa IATF at nag-recommend kay Presidente, andoon na ang pangalan ng school, ilang estudyante at ano ang set-up nila. This is the only way na makumbinsi natin siya. Kasi masyadong general pa rin ang ganitong presentation, kulang sa detalye at saka parang kulang sa science, baka hindi rin mapayagan,” dagdag ni Binay.
Binigyang-diin naman ni Gatchalian na dapat maging risk-based ang batayan ng pagpili ng pilot areas at hindi lamang sa idinedeklarang community quarantine restrictions.
“My observation on the selection of public schools is not risk-based but a community quarantine-based…The superintendent might be signalled as long as you are in MGCQ area, it’s alright to launch a pilot testing program but if you look at the MGCQ these are very general restrictions,” paliwanag ni Gatchalian.
Muling iginiit ni Gatchalian na dapat bumuo ng panel of experts ang DepEd na gagawa ng assessment sa mga lugar kung saan maaaring isagawa ang pilot testing ng face-to-face classes.
Ipinaalala naman ni Senadora Imee Marcos ang nauna nilang usapan na babawasan ang 1,069 na lugar para sa pilot test.
“Ang usapan natin less than 1000, dagdag kayo nang dagdag…hindi natin masisimulan ito kung ganyan kasi kinakabahan ang Malakanyang diyan,” diin ni Marcos.
Nangako naman si Malaluan na sa darating na linggo ay muli silang magsasagawa ng revalidation sa mga lugar na maaaring isama sa pilot test.