Nation

SENATORS: PANGAKONG TRABAHO SA SHS GRADUATES NAPAKO

AMINADO sina Senate President Vicente 'Tito' Sotto III at Senador Sherwin Gatchalian na hindi natutupad ang mga pangako ng K to 12 system.

/ 24 June 2022

AMINADO sina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senador Sherwin Gatchalian na hindi natutupad ang mga pangako ng K to 12 system.

Tinukoy ng dalawang senador ang pangakong trabaho sa mga graduate ng senior high school.

Sinabi ni Gatchalian na batay sa mga numerong kanyang nakita, mayorya ng SHS graduates ay hindi pa rin makahanap ng trabaho sa dalawang kadahilanan.

Una, hindi kuntento ang mga industriya sa kakayahan ng mga ito at pangalawa ay ang ibinibigay sa kanilang kaalaman ay hindi naaakma sa mga trabahong naghihintay.

Sinabi naman ni Sotto na sadyang hindi tumalab sa mga industriya ang K to 12 system dahil ang mga hinahanap pa rin ng mga kompanya ay college graduate.

Umaasa ang outgoing Senate leader na sa pagpasok ng bagong administrasyon ay masosolusyunan ang ganitong problema.

Una nang iginiit ni Sotto na sa halip na ang K to 12 system lang ay dapat na ring rebisahin ang buong education system upang mas maayos na mailatag ang mga kinakailangang hakbangin para sa dekalidad na edukasyon.