Nation

SENATORS: FACE-TO-FACE CLASSES KAILANGAN NA

/ 28 November 2020

KUMBINSIDO ang tatlong senador na kailangan nang magkaroon ng face-to-face classes upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga kabataan sa gitna ng kinakaharap na Covid19 pandemic.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture para sa update sa pagbubukas ng klase, binigyang-diin ng mga mambabatas na sina Senador Sherwin Gatchalian, Imee Marcos at Nancy Binay na kailangan nang pag-aralan ang pagbubukas ng mga paaralan sa gitna na rin ng pagluwag sa ekonomiya.

“Nadidismaya ako na mas mahalaga pa pala sa Filipino ang sabong kaysa edukasyon. Dalawang linggo ang nakalipas, binuksan na ang sabungan pero ang eskwela, sarado pa rin. Hindi naman po yata tama ‘yun,” pahayag ni Marcos.

“DTI allowed full body massage, approved 75 percent operating capacity. Baka nga ‘yung sabong puwede pa hong mag-social distancing but a full body massage imposible hong mag-social distancing ‘yan. That’s why I joined the call of Sen. Binay and Sen. Marcos on looking at the possibility of a localized limited face-to-face classes,” diin naman ni Gatchalian

“Puwede na ngang bumiyahe ang mga estudyante. We allow, we allow them to go to Boracay, we allow them to go Baguio but we don’t allow them to go to school,” dagdag naman ni Binay.

Inamin naman ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na mahalagang aspeto ng pag-aaral ang social interaction ng isang estudyante sa kanyang guro at mga kaklase.

Gayunman, ipinaliwanag niya na maraming bagay ang dapat na ikonsidera sa pagbabalik ng face-to-face classes, kabilang na ang risk assessment, health and safety management at maging ang paghahatian ng responsibilidad para sa implementasyon nito.

Kinumpirma naman ni Malaluan na isinasapinal na ni DepEd Secretary Leonor Briones ang isinumiteng report at rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Muli namang binigyang-diin ni Gatchalian ang pagsasagawa ng purok workshops, partikular sa mga lugar na walang kaso ng Covid19.

Sa datos ni Gatchalian, nasa 496 na munisipyo sa mahigit 1,300 na munisipalidad sa Filipinas ang walang kaso ng Covid19.

Partikular na tinukoy ng senador ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung saan 70 sa 116 munisipalidad ang walang kaso ng Covid19.