Nation

SENADORA SA DICT: KOORDINASYON SA DEPED PALAKASIN

/ 23 November 2020

IMINUNGKAHI ni Senadora Pia Cayetano sa Department of Information and Communications Technology na palakasin ang kanilang ugnayan sa Department of Education, partikular sa mga programang may kinalaman sa pagpapalakas ng internet connection.

Sinabi ni Cayetano na sa gitna ng ipinatutupad na distance learning, nababahala siya sa datos na 95 porsyento ng mga estudyante ang walang access sa internet.

“Worried lang ako, without very clear coordination, the end result that we want, which is the students will have access, still might not happen,” pahayag ni Cayetano.

Ipinasusumite rin ng senadora sa DICT ang kanilang plano kaugnay sa National Broadband Program.

“(I want) to really see that whole plan mapped out to ensure that at a certain time, and of course, that’s the soonest possible time, we will have access for the students so that we can improve their ability to learn through internet connectivity,” diin pa ng senadora.

Nais ding malaman ng mambabatas kung ano ang plano ng DICT sa pagbibigay ng connection sa poorest of the poor, gayong walang alokasyon sa ilalim ng 2021 proposed DepEd budget ang Last Mile School.

“Kasi baka mamaya, siyempre lahat tayo iniisip natin the most vulnerable, the poorest of the poor. Doon ka magko-connect. And I am not saying huwag ka mag-connect. I am not saying that. Pero walang eskwelahan doon. So does his sponsor get my point? Parang hindi coordinated,” dagdag pa niya.