Nation

SENADOR SA PRC: PROFESSIONAL EXAMS SCHEDULE AYUSIN

/ 14 June 2021

NANAWAGAN si Senador Joel Villanueva sa Professional Regulation Commission na isaayos ang pag-schedule ng professional examinations.

“Hindi po dapat binibigla ng Professional Regulation Commission ang mga naghahangad na propesyonal na masertipikahan upang makapaghanapbuhay.” pahayag ni Villanueva.

Pinuna ng senador ang pagkansela sa board exams ng mga psychologist at psychometrician na nakatakda sa Agosto 1 kahit na may provisional approval na ito mula sa Inter-Agency  Task Force.

“Ang board exams naman para sa metallurgical engineering, na biglaan ding kinansela, ay may 49 examinees lamang. Bakit po ito ipinagpaliban dalawang araw bago ang exam date? Naghanda po ang ating mga examinees sa review at maging sa pagtalima sa mga health protocols,” diin ni Villanueva.

Iginiit ng mambabatas na kung transportasyon ng 49 examinees ang problema, sapat ang P1.5 billion na budget ngayong taon ng PRC para makahanap ng solusyon dito.

“Sumulat na po tayo sa PRC noong Marso upang alamin ang estado ng mga board exams, at nagbigay ng mga suhestiyon kung paano maipagpapatuloy ng komisyon ang mga licensure exams tulad ng computerization at pagpapalawig ng mga testing sites,” ayon sa senador.

Idinagdag ni Villanueva na kasama sa sulat ang kanyang Senate Resolution No. 661, na kasalukuyang nasa Committee on Civil Service, Government Reorganization, and Professional Regulation.

“Simula nitong pandemya, maraming programa at paraan na ang ipinatutupad ng ating mga higher education institutions upang makasabay sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral ngayong new normal, at siguruhing walang maiiwan pagdating sa kanilang edukasyon,” sabi pa ng senador.

“Nakalulungkot po at tila hindi nakakasabay ang PRC sa mga pagbabagong dulot ng pandemya. Napag-iiwanan na po sila, at ang apektado rito ang ating mga graduates,” dagdag pa niya.