SENADOR SA MGA GURO: MAGPABAKUNA LABAN SA COVID19
HINIMOK ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Sherwin Gatchalian ang mga guro na magparehistro para sa bakuna laban sa Covid19.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag sa harap ng napipintong pagsisimula ng pagbabakuna sa mga essential worker o sa mga pasok sa A4 priority list kung saan isinama na ang mga guro.
Ipinaliwanag ng senador na mahalagang maproteksiyunan ang mga guro laban sa sakit bilang bahagi ng paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.
“Nananawagan po tayo sa mga guro na magparehistro sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa pagpapabakuna upang sa pagbabalik ng face-to-face classes ay protektado na sila,” pagbibigay-diin ng senador.
Una nang pinasalamatan ni Gatchalian ang Inter-Agency Task Force sa pagsasama sa mga guro sa vaccination priority list na tinawag niyang ‘crucial step’ sa ligtas na pagbabalik sa eskwela.
“The sooner we get the vaccines in the arms of our teachers and non-teaching staff, the sooner we can restore normalcy in the lives of our learners and start the recovery of our basic education sector,” dagdag pa ni Gatchalian.