SENADOR SA DICT: E-SIGNATURES NG MGA GURO PARA SA 2022 POLLS TAPUSIN NA
WALA nang nakikitang rason si Senadora Imee Marcos para hindi tapusin ng Department of Information and Communications Technology ang rehistrasyon ng libo-libong guro na bibigyan ng personal digital signatures na kanilang gagamitin sa pagsisilbi sa halalan sa Mayo 2022.
“Nakahanap na tayo ng solusyon. Kering-keri na natin ito!” pahayag ni Marcos.
Ipinaliwanag ni Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, na naaantala lamang ang rehistrasyon para sa mga digital signature dahil sa DICT hard-copy requirements sa mga guro.
Sa kabila ito ng panukala ng Department of Education para sa bultuhang pagpoproseso ng verified personal data ng mga guro sa pamamagitan ng pagsusumite sa online ng Excel o Corel binary script files.
Limang taon nang naaantala ang pagrehistro sa mga guro para makakuha ng personal digital signatures na ipinangakong gagamitin sa 2016 at 2019 elections na hindi naman natupad.
Binigyang-diin ni Marcos na ang personal digital signatures ang papawi sa pangamba na mamanipulahin ng Smartmatic ang resulta ng eleksiyon sa susunod na taon.
“May kusang-loob ba ang mga makina? Mas may tiwala ako sa mga guro kaysa mga Smartmatic machines,” diin ni Marcos.
“Ang solusyon ay makisakay na lang ang DICT sa DepEd sa nakasanayan nang pagpaparehistro at pagmomonitor sa kanilang 900,000 empleyado,” rekomendasyon ni Marcos.
Sa pamamagitan nito, matatapos ang rehistrasyon para sa mga personal digital signature sa Hulyo, na tatlong buwang mas maaga sa iskedyul ng DICT na mula Setyembre hanggang Enero.
Tanging ang mga machine digital signature ang nagamit mula nang maging automated o computerized ang mga eleksiyon noong 2010, bagaman isinasaad sa Omnibus Election Code na kailangang pirmado rin ng mga gurong nagsisilbing board of election inspectors ang mga election return.