SENADOR SA DEPED: “MODULES PA MORE” SA TYPHOON-HIT LEARNERS
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education na mag-imprenta at mamahagi ng dadag na distance learning modules sa mga estudyanteng naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na lalong naging kumplikado ang sitwasyon sa mga estudyante sa mga lugar na sinalanta ng bagyo kaya dapat ang gobyerno na ang gumawa ng paraan upang maibigay ang kanilang pangangailangan.
“’Yung mga pamilyang lumikas ay naiwan at hindi na po nadala ‘yung mga modules na ito. Malaking problema po para sa pamilya dahil itong modules na ito ay naka disenyo para makapag-aral po ng sarili ang mga bata,” pahayag ni Gatchalian sa Laging Handa public briefing.
“Kaya nakikita ko rito, una, magbigay ulit tayo ng mas maraming modules pa at mag-imprenta at siguraduhin na tuloy-tuloy ang pagdidistribute ng mga modules na ito sa mga estudyante,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture.
Inulit din ng senador ang suhestiyon na aralin ng local government units ang posibilidad ng limitadong face-to-face learning sa pamamagitan ng purok workshops, lalo na sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19.
“Eto, mga maliliit na workshops sa mga purok-purok at pupunta ang mga guro dun para magturo sa limitadong bilang ng mga estudyante,” paliwanag ng senador.
“Napakahirap po sa isang bata na turuan kung walang modules at ‘yung ibang mga magulang natin, inaatupag din ‘yung kanilang kaligtasan. Kaya mas mahalaga po na magkaroon muna ng interaksyon sa pagitan ng ating mga estudyante at sa ating mga guro,” dagdag pa niya.