Nation

SENADOR SA DEPED: KUMUSTA NA ANG 1M ESTUDYANTENG ‘DI NAKAPAG-ENROL NOONG ISANG TAON?

/ 4 September 2021

NAIS malaman ni Senadora Imee Marcos ang naging hakbang ng Department of Education upang tulungan ang mahigit isang milyong mag-aaral na nabigong makapag-enrol noong School Year 2020-2021.

Pinagsusumite ni Marcos ang DepEd ng kanilang update sa estado ng mga estudyanteng napilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa epekto ng Covid19 pandemic.

Kasabay nito, nais ding makita ng senadora ang kahandaan ng DepEd para sa pagbubukas ng panibagong school year sa Setyembre 13, partikular sa Covid-free Cordillera areas.

“We are very anxious in the North to see this become a success. We would also like an update on the very optimistic announcement of the Department of Education to upload all the classes so that they would be digitized and forgo modular efforts as much as possible,” pahayag ni Marcos.

Isa si Marcos sa mga unang nanawagan na muling ikonsidera ang pagsasagawa ng pilot face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19.

“Ako ‘yung isa sa mga senador na talagang mula’t sapul ayokong magsara ang mga eskwelahan natin.  Sana mapatunayan na talagang karapat-dapat lamang na magbukas na ang mga school sa lalong madaling panahon. Nauna pa sana sa mga mall, arcade, sinehan, sabong,” dagdag ni Marcos.