Nation

SENADOR SA DEPED: BAKIT PAIBA-IBA ANG ICT PACKAGES?

/ 8 October 2021

KINUWESTIYON ni Senadora Imee Marcos ang Information and Communications Technology packages na ipamamahagi ng Department of Education sa mga guro at estudyante.

Una nang ipinaliwanag ni Education Secretary Leonor Briones na nagbago na sila ng polisiya na mula printed materials ay ginawa na nilang paperless learning.

Iginiit ni Briones na sa katagalan, mas magiging magastos ang pagpi-print ng modules kaya isinusulong nila ang paperless.

Sa datos, target ng DepEd ngayong taon na maipamahagi ang may 37,221 ICT packages na itinaas nila sa 109,140 packages.

Gayunman, sinabi ng DepEd na dahil sa pagbabago sa presyo ng mga computer at tablets, ibinaba nila sa 65,000 ang ICT packages.

“Hindi ba nakakanerbiyos paiba-iba? Ano ba talaga ang ide-deliver? Bakit paiba-iba?” tanong pa ng senadora.

Inamin din ng DepEd na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatapos ang bidding sa ICT packages ngayong taon.

Kasabay nito, hiniling ni Marcos sa DepEd na bigyan sila ng update sa pagtugon sa mga rekomendasyon ng Commission on Audit.

“Out of the 619 recommendations made by COA, only 296 were implemented. May we know the status of those recommendations and why they were poorly implemented?” tanong ni Marcos.

Sinabi naman ni Briones na nagsumite na sila ng written explanation sa mga isyu at naghihintay na lamang ng kasagutan ng COA.