SEN. IMEE SA CUSTOMS: NAKUMPISKANG MGA GADYET I-DONATE SA LEARNERS
UPANG makatulong sa kakulangan ng gadgets ng mga estudyante, hinimok ni Senadora Imee Marcos ang Bureau of Customs na i-donate na lamang para sa blended learning ang mga nakumpiskang smuggled cellphone, tablets at laptops.
“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensiya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libo-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” sabi ni Marcos.
Iginiit ng senadora na sa halip na sirain o i-subasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang 15 araw na sila’y maabisuhan.
Sa impormasyon ng mambabatas, halos 29.5 tons ng mga cellphone, storage devices at electrical items ang nakumpiska ng BOC noong Agosto dahil sa kawalan ng clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.
Noong nakaraang taon, kabuuang P100 milyong halaga ng cellphone at mga baterya mula Hong Kong ang nasabat sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod pa sa P15 milyong halaga ng second-hand na cellphone, lithium batteries at phone accessories mula South Korea na nakumpiska sa paliparan ng Maynila.
“Ang isang libreng cellphone o laptop ay malaking ginhawa para sa isang nanay na pilit pagkakasyahin ang badyet para sa araw-araw na gastos sa pagkain, bayad sa koryente, at ngayon sa online learning,” pahayag pa ni Marcos.
“Kakailanganin ng pamilyang may tatlong anak ang P25,000 para makabili ng dalawang laptop, makapagpakabit ng upgraded na internet connection, at obligado pa ang isa sa mga magulang na maglaan ng kahit apat na oras kada araw para tulungan ang kanilang anak sa pag-aaral,” paliwanag pa ng mambabatas.