SEN. GO SA MGA ESTUDYANTE: HUWAG MATAKOT SA TERMINATION NG UP-DND AGREEEMENT
PINAWI ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pangamba ng mga estudyante ng University of the Philippines sa posibilidad ng militarisasyon sa kanilang mga campus kasunod ng pag-terminate sa kanilang kasunduan sa Department of National Defense.
Tiniyak ni Go na palaging ipatutupad ang rule of law, partikular sa promosyon ng kapakanan ng mga estudyante at pagkilala sa kanilang freedom of expression.
“Wala naman silang dapat ikabahala. ‘Di naman aabot sa puntong mang-aabuso ang ating mga kasundaluhan. I trust our soldiers. I trust our policemen and women,” pahayag ni Go.
“Walang dapat ikatakot. Respetado ang military at kapulisan ngayon,” giit pa ng senador.
Sinabi ni Go na nirerespeto niya ang aksiyon ni Secretary Delfin Lorenzana na ang layunin lamang ay pangalagaan ang mga kabataan at maiwasang ma-recruit ang mga ito sa armed struggle.
“Ako naman, nirerespeto ko po ang desisyon ng Secretary of National Defense. Hindi naman po lahat, iilan diyan talagang ginagamit po, nakikita ninyo naman po, ilan sa kanila nanawagan na pabagsakin ang gobyerno,” diin ni Go.
“Alam naman natin na ginagamit din po ang iilan diyan sa loob ng UP para turuan silang pabagsakin ang gobyerno,” dagdag pa ng senador.
Hinikayat naman ng mambabatas ang mga youth group na magpokus at tapusin ang kanilang pag-aaral upang makatulong sa gobyerno at sa bansa.
“Hindi naman kayo pinag-aral para pabagsakin ang gobyerno, mag-aral po kayo, makapagtapos at tumulong kayo sa ating gobyerno,” anang senador.
Umapela rin si Go sa mga grupo na tutol sa pamamalakad ng Duterte administration na irespeto ang democratic institutions.
“Mayroon naman pong fixed term ang ating Pangulo. Respetuhin n’yo po ito dahil matatapos ang ating Pangulo hanggang 2022. Kung gusto n’yo po, eh, ‘di kayo ang tumakbo pagdating ng 2022. ‘Wag lang pong umabot sa puntong maghihimagsik, aabot na po sa rebelyon, aabot na po sa pabagsakin ang gobyerno,” diin ni Go.