SEN. GO SA GOV’T AGENCIES: DEPED TULUNGAN SA REMOTE LEARNING
NANAWAGAN si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na tulungan ng Department of Education sa pagpapatupad ng distance learning sa gitna ng Covid19 pandemic at iba pang kalamidad sa bansa.
Iginiit ni Go na dapat na magtulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para makabuo ng mga bagong teaching techniques sa blended learning.
Ang mga hakbang ay para matiyak ang pagkatuto, lalo na ng mga estudyante na walang internet connection.
Partikular ding nanawagan ang mambabatas sa Department of Information and Communications Technology para sa pagbibigay ng maayos at mas murang internet access sa lahat ng mga Filipino.
Muling nanindigan ang chairman ng Senate Committee on Health and Demography na hindi dapat payagan ang face-to-face classes hangga’t walang bakuna laban sa Covid19.
“No vaccine, no face-to-face classes muna, ‘yan po ang aming firm stand ni Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi pa po panahon. Habang wala pang vaccine, ‘wag muna ang face-to-face classes,” pahayag ni Go.
“Pag-ingatan natin ang mga bata. Malikot din ‘yung mga nasa murang edad pa kaya malaki ang risk kung papapasukin sila sa eskwelahan,” dagdag pa ng mambabatas.
“Let me reiterate po: no vaccine, no face-to-face as much as possible. Importante makapag-aral ang mga bata sa paraan na hindi sila napipilitang ma-expose sa sakit. Ayaw kong mapunta sa bata ang burden. Ayaw ko ma-pressure ang estudyante na pumasok sa eskuwela tapos may banta naman sa kanilang kalusugan,” dagdag pa niya.