Nation

SCHOOLS DIVISION OFFICE SA ZAMBOANGA DEL NORTE IPINATATAYO

/ 8 March 2021

ISINUSULONG ni Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos Jr. ang pagtatayo ng schools division office sa kanilang lalawigan upang mas mapabilis ang serbisyo sa lugar.

Sa kanyang House Bill 8854, nais ni Jalosjos na itayo ang bagong school division office sa munisipalitad ng Polanco.

Sasaklawin nito ang siyam na school districts na kinabibilangan ng Polanco I, Polanco II, La Libertad, Pinan, Mutia, Sergio Osmena I, Sergio Osmena II, Sibutad at Rizal.

Sinabi ng mambabatas na sa kasalukuyan, ang Zamboanga del Norte ay may 753 na paaralan; 8,609 na guro at 227,600 na estudyante.

“With the indicated educational statistics, it is considered a large and enormous organization. Thereby, it cannot be denied the difficulty in the provision of technical assistance, supervision and monitoring of all the schools that affects performance in attaining quality education,” pahayag ni Jalosjos sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag ng mambabatas na isa sa mga paraan sa streamlining ng malaking organisasyon ay ang i-decentralize ang operasyon nito upang mas maging epektibo sa pagtupad sa mga tungkulin.

Sa sandaling maging batas, ang Department of Education ang may mandatong bumuo ng implementing rules and regulations upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito.