Nation

SCHOOLS DIVISION OFFICE SA PASIG NAKA-LOCKDOWN

/ 28 August 2020

KASALUKUYANG naka-lockdown ang Schools Division Office sa Pasig City matapos na mag-positibo sa coronavirus disease ang isa sa mga kawani nito.

Kinumpirma  ni Schools Division Superintendent Evalou Agustin na pansamantalang ini-lockdown ang kanilang opisina simula kahapon, Agosto 26, Miyerkoles,  hanggang Linggo, Agosto 30.

Ayon kay Agustin, isang empleyado ang nagpositibo sa Covid19 at wala pa itong clearance nang magpunta sa kanyang tanggapan noong isang araw at nagpunta rin sa iba’t ibang opisina at may dala umano itong dokumento mula sa City Hall para lagdaan niya.’.

Inakala umano ng lalaking empleyado na ligtas na siyang lumabas dahil mabuti naman na ang kanyang pakiramdam.

“Ang kamangmangan (o pagwawalang-bahala) ng empelyadong ito sa nakamamatay na virus ay nagsapanganib sa lahat ng empleyado na pumasok sa araw na ito lakip na ang inyong ling-kod,” wika ni Agustin.

Inireport na umano sa City Health Office ang nasabing kawani at pati na rin sa Pasig PNP para bantayan at manmanan ang mga kilos nito.

“Kaya inuulit natin sa lahat ng ating mga unit head at mga hepe ng iba’t ibang departamento na maging mapagbantay at ipaunawa sa mga nasasakupan nila ang pinaiiral nating office protocols at health standards nang hindi na maulit ang nangyari,” ani Agustin.

“Ipinapanalangin ko na maging ligtas tayo sa kabila ng pagkabantad  natin sa nasabing virus,” dagdag pa ng Superintendent.