SCHOOL FOR THE ARTS IPINATATAYO SA CAMARINES SUR
ISINUSULONG ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnulf Bryan Fuentebella ang panukala para sa pagkakaroon ng arts program sa bayan ng Tigaon, sa kanilang lalawigan.
Sa kanyang House Bill 1050, nais ni Fuentebella na i-convert ang San Rafael National High School bilang San Rafael National High School for the Arts Program.
Ipinaliwanag ni Fuentebella na batay sa Presidential Decree 1287, itinatag ang Philippine High School for the Arts na isang specialized public high school na nakatutok sa arts program.
Ipinagmalaki ng kongresista na nagmula sa PHSA ang ilang kilalang artists, kabilang na ang pianist na si Rowenna Arrieta, ang singer sa Miss Saigon na si Leila Florentino, ang principal dancer of Ballet Philippines na si Candice Adea, ang filmmaker na si Raymond Red na tumanggap ng Palme d’Or Award sa 2000 Cannes Festival sa kanyang short film ‘Anino’, at ang Professor ng computer graphics sa Farleigh Dickinson University na si John Cinco.
Subalit, ayon kay Fuentebella, hindi na nasundan ang PSHA na itinayo noong 1978 kaya naging limitado ang oportunidad sa ibang gifted students.
Dahil dito, layon ng House Bill 1050 na gayahin ang accomplishments ng PHSA sa San Rafael National Higsh School for the Arts Program.
Batay sa panukala, ang paaralan ay pamumunuan ng Program Director na itatalaga ng kalihim ng Department of Education.
Bubuo rin ang DepEd ng executive council para sa pag-screen at pamimili ng mga estudyante na tatanggapin sa High School at pagkakalooban ng scholarships, stipends at iba pang allowance.
Babalangkas din ang konseho ng curricula, course o pag-aaral at rules of discipline para sa programa.