SCHOOL CANTEEN EMPLOYEES SA PASAY TATANGGAP NG FOOD PACKS
MAHIGIT sa 400 empleyado ng school canteen at mga drayber ng transport cooperatives ang makikinabang sa Pasay Cooperatives’ Covid19 response project.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, nakipag-ugnayan si Pasay Cooperative Development Office head Weng Camacho sa mga kooperatiba na nag-ooperate sa lungsod upang bumuo ng proyekto na makatutulong sa mga empleyado ng canteen sa mga eskuwelahan, gayundin sa mga drayber ng transport cooperatives.
Sinabi ni Calixto-Rubiano na umabot sa 82 kooperatiba na nag-ooperate sa lungsod ang nagbigay ng kani-kanilang donasyon na nagkakahalaga ng P500 hanggang P50,000 na agad namang ibinili ng PCDO ng food packs at health kits.
Idinagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang mga empleyado ng canteen sa mga eskwelahan at mga drayber ng transport cooperative ang napiling benepisyaryo ng PCDO dahil ang mga ito ay kabilang sa mga pinakaapektado ng COVID-19 pandemic.
Ang distribusyon ng food packs at health kits sa mga benepisyaryo ay isasagawa ngayong araw, Hunyo 5, sa Jose Rizal Elementary School covered court mula alas- 8 hanggang alas-11 ng umaga.