Nation

SCHOOL BUILDINGS SA MARIKINA HINDI IPAGAGAMIT NA QUARANTINE FACILITIES

/ 24 August 2020

SINABI  ng lokal na pamahalaan ng Marikina na wala muna sa ngayon sa mga school building sa lungsod ang gagawing quarantine o isolation facilities para sa  suspected at confirmed Covid19 cases ng lungsod.

“Mayroon po kaming ni-request na mga DepEd [Department of Education] building pero we are trying to maximize first the existing structures of the local government unit, before we use the facilities of our schools,” ayon kay Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro.

“Dahil iyong mga facilities natin na school dito sa Marikina ay ginagamit for capacity building ngayon ng mga teachers in preparation for the opening of classes at saka iyong mga ganoong activities. Pero we are prepared to use the school building in case that there will be a need,” dagdag pa ng punong-lungsod.

Kamakailan lang, sinabi ng Department of Education na 17,910 silid-aralan sa Metro Manila ang maaaring gamitin bilang quarantine facilities para sa Covid19.

Maaari pa umanong madagdagan ang bilang na ito kung ipagagamit din ng mga private school ang kanilang pasilidad.