SCHOLARSHIP, TRAINING SA COCONUT FARMERS AT KANILANG PAMILYA
MABABAWASAN ang gastusin ng mga magsasaka sa pagpapaaral sa kanilang mga anak sa sandaling tuluyang maisabatas ang pagbuo ng trust fund ng coconut farmers sa pamamagitan ng pagbebenta ng assets na nabili gamit ang coco levy fund.
Inaprubahan na ng Senado sa third and final reading ang Senate Bill No. 1396 o ang proposed Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na nagsusulong sa pagbebenta ng P75 bilyong coconut levy assets sa susunod na limang taon upang makabuo ng trust fund para sa coconut farmers.
Nakapaloob sa panukala na 8 porsiyento ng trust fund ang ilalaan sa training sa coconut farmers at kanilang pamilya na nasa coconut farmers registry sa farm schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority at Agricultural Training Institute.
Ito ay upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga magsasaka at kanilang pamilya sa iba’t ibang teknolohiya at proseso na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.
Bukod dito, maglalaan din ng 8 porsiyento ng trust fund para sa scholarship programs ng mga magsasaka at kanilang pamilya na ipatutupad ng Commission on Higher Education.
Sinabi ni Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform at principal sponsor ng panukalang batas na kapag naisabatas ito, mabibiyayaan ang may 3.5 milyong coconut farmers at kanilang pamilya mula sa 68 coconut producing provinces.
“The coconut farmers are the poorest in the country. They earn only about P1,500 a month. This fund which rightfully belongs to the coconut farmers, should be plowed back to them for their own direct benefit,” pahayag ni Villar.
Kapag naisabatas ang panukala, agad ililipat ng Bureau of the Treasury ang P10 billion sa trust fund na susundan ng P10 billion sa ikalawang taon ng pagpapatupad, P15 billion sa ikatlong taon, P15 billion sa ikaapat na taon at P25 billion sa ikalimang taon.