Nation

SCHOLARSHIP SA OFW DEPENDENTS

/ 5 August 2020

NAIS ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na pagkalooban ng scholarship ang mga dependent ng overseas Filipino workers na namatay o nakaranas ng permanent disability dahil sa kanilang trabaho.

Sa kanyang House Bill 7171 o ang proposed OFW Dependents Educational Scholarship Act, binigyang-diin ni Vargas na bagama’t itinuturing ng bansa ang mga OFW bilang Modern Day Heroes, marami sa mga ito ang hindi nabibigyan ng sapat na suporta.

Katunayan, sinabi ni Vargas na marami sa mga OFW ang nakararanas ng problema habang nagta-trabaho sa ibayong dagat na ang iba ay inaabutan pa ng kamatayan.

Sa kanyang panukala, iginiit ni Vargas na upang matiyak na magpapatuloy ang edukasyon ng mga anak o dependent ng mga OFW na namatay sa abroad o nagkaroon ng permanent disability, dapat bumalangkas ang gobyerno ng scholarship program.

Alinsunod sa panukala, sakop ng programa ang mga OFW, dokumentado man o hindi, at ang kanilang mga legitimate, legitimated at adopted dependent.

Ang scholarship program ay paglalaanan ng paunang pondo na P100 milyon habang ang mga susunod na pangangailangang budget ay isasama sa General Appropriations Act.

Pamamahalaan ang programa ng Department of Labor and Employment, katuwang ang Department of Education, Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Worker Welfare Administration.