Nation

SCHOLARSHIP SA ANAK NG MGA NAWALAN NG TRABAHO DAHIL SA COVID19

/ 27 August 2020

ISINUSULONG ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na mabigyan ng scholarship ang mga estudyanteng nawalan ng trabaho ang mga magulang dahil sa Covid19 crisis.

Sa kanyang House Bill 7446 o proposed Sagip Kolehiyo Act, iginiit ni Vargas na dapat ayudahan ang mga nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya, partikular sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kanilang mga anak.

Batay sa panukala, palalawakin ang sakop ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Law  upang masaklaw ang mga estudyanteng ‘no work, no pay’ ang mga magulang o guardian.

Gayundin ang mga anak ng mga jeepney at tricycle driver, mga empleyadong na-lay off sa trabaho at maging ang mga naospital at namatay ang magulang dahil sa virus.

Kuwalipikado  rin sa scholarship ang mga anak ng overseas Filipino workers  na walang makitang lokal na trabaho.

Alinsunod sa panukala, ang mga eligible na estudyante sa kolehiyo ay bibigyan ng P50,000 kada semester kapag nakapag-enroll  sa kolehiyo, unibersidad at maging sa mga  TESDA-accredited institution.

“Malaking tulong ito sa mga magulang na nawalan ng trabaho at hirap nang itaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo. Hindi dapat maging hadlang ang krisis na ito para makapagtapos ang mga kabataan ng pag-aaral at maabot ang kanilang pangarap,” pahayag ni Vargas.

Sa pagtaya ng solon, nasa 100,000 estudyante ang mabibiyayaan ng scholarship sa ilalim ng panukala.