SCHOLARSHIP NG UE STUDENTS IBALIK — SOLON
SUPORTADO ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang panawagan ng grupo ng mga estudyante ng University of the East na imbestigahan ang tinatawag nilang ‘unjust disqualification’ ng scholarship grants ng mahigit 1,000 estudyante ng unibersidad.
Sinabi ni Castro na hindi makatarungan na sa gitna ng dinaranas na pandemya ay mawawalan pa ng scholarship ang mga estudyante.
“Habang dumaranas ng kahirapan ang mga estudyante maitawid lang ang karapatan sa edukasyon sa panahon ng pandemya ay ganito pa kalupit at oportunista ang UE,” pahayag ni Castro sa The POST.
Ayon kay Castro, dapat imbestigahan ang isyu at agapayan ang mga estudyanteng nais lamang makatapos ng pag-aaral.
“Kailangan ‘yang maimbestigahan at ibalik ang scholarship ng mga bata at i-refund ang ibinayad o bayaran ang inutang nila para sa pambayad ng tuition and other fees,” diin ni Castro.
Una nang inalmahan ni University Student Council President Justine Jae Calatong ang suspensiyon ng scholarship ng mahigit sa 1,000 estudyante.
“The revocation of scholarship, without proper notice and just explanation, seems to be a recurring problem in the university where policies are always unfavorable to the welfare of the students,” pahayag ni Calatong.