Nation

SCHOLARSHIP NG MUNTINLUPA LEARNERS PUTOL KAPAG LUMABAG SA CURFEW HOURS, HEALTH PROTOCOLS

/ 20 September 2021

ISINULONG ng Barangay Poblacion, Muntinlupa City ang ordinasang pagmultahin ang iskolar ng lungsod o kaya naman kapag inulit ang pagsuway sa curfew hours at health protocols ay bawian ng benepisyo.

Sa ilalim ng Ordinance No. 1 ng nasabing barangay, ipatutupad ang pagpapataw ng multa sa mga benepisyaryo na high school at college scholars ng barangay kung ang mga ito ay hindi susunod sa health protocols tulad ng hindi pagsusuot ng face mask at sa ipinatutupad na curfew hour mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga sa buong Metro Manila.

Ayon sa ipinasang ordinansa ng barangay, ang mga iskolar na lalabag sa unang pagkakataon sa minimum health protocols at ordinansa ng curfew ay makatatanggap lang muna ng warning.

Sa ikalawang pagkakataon ng paglabag ay tatanggalin na ang mga ito sa pagiging benepisyaryo at sa ikatlong pagkakataon naman ng paglabag ay pagmumultahin na ng halagang P500.

Kapag menor de edad ang lumabag sa ordinansa sa pangatlong pagkakaton ay ang mga magulang ang pagbabayarin ng multang P500.