Nation

SCHOLARS SA PASIG PUMALO SA 18,000

/ 14 September 2020

INIHAYAG ni Pasig City Mayor Vico Sotto na mahigit 18,000 estudyante ang mga iskolar ng lungsod para sa school year 2020-2021.

“Para ‘di sayang ‘yung post, isingit ko na rin nasa record number of 18,000 scholars tayo para sa school year 2020-2021. Sakto lang kasi marami talagang nangangailangan ngayong panahon ng krisis,” sabi ni Sotto sa kanya post sa Facebook.

Humingi ng pasensiya ang alkalde dahil nag-down ang link nila para sa online application ng nasabing scholarships.

“We are upgrading the drive to 100GB now. Please extend your patience as we try this online-based application system,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ni Sotto na handang-handa na ang lungsod para sa distance at blended learning sa darating na pasukan sa Oktubre 5.

Ayon sa kanya, patuloy na dini-develop ng DepEd-Pasig ang modules na gagamitin ng mga mag-aaral sa lungsod sa darating na pasukan. Naging maayos naman umano ang isinagawang dry run para sa distribusyon ng modules.

Sinabi pa ng alkalde na nakatakdang ihatid ang tablets sa lungsod sa Setyembre 30. May penalty umano na isang milyong piso ang supplier nito kung hindi maibigay ang nasabing tablets sa takdang oras.

“Ibig sabihin, matatanggap ng mga mag-aaral ang tablet nila October 1 onwards,” pahayag ni Sotto.

Naihatid na rin umano sa mga pampublikong paaralan ang mga risograph machine para sa pag-imprenta ng learner’s packets.

Nakahanda na rin ang high speed Internet connections sa mga pampublikong paaralan.

“Thanks to FinAsia [para sa mga guro, pati sa mga magulang ng mga batang walang access sa bahay — puwede silang pumunta sa mga paaralan, by schedule at kada dalawang linggo lang, para mag-download ng modules],” wika ni Sotto.

Sinabi pa ng alkalde na sumailalim sa training ang mga guro para sa digital learning bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Ayon pa kay Sotto, pinalawig ng lokal na pamahalaan ang pondo para sa scholarship upang maabot ang 3,000 indigent students mula sa private schools.

“Extension of our scholarship program to private schools [students] that are having financial difficulties during this pandemic [the schools will identify a certain number of scholars each, totaling around 3,000 students],” dagdag pa niya.

Nakatakdang magsagawa ng online general assembly ang lokal na pamahalaan bago ang pagsisimula ng klase.