SAPAT NA TULONG SA MGA GURONG APEKTADO NG COVID19 TINIYAK NG DEPED
TINIYAK ng Department of Education na may sapat silang mekanismo upang matulungan ang mga teaching at non-teaching personnel ng mga paaralan na tinamaan ng Covid19.
Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni DepEd Undersecretary in Charge of Human Resource and Organizational Development Wilfredo Cabral na may mga inilatag na silang sistema para rito.
Kasama na sa kanilang hakbang ang pakikipag-ugnayan sa Employees Compensation Commission para sa mga benepisyong maaaring matanggap ng mga kagawad ng DepEd na nagkasakit o namatay sa gitna kanilang pagtupad sa tungkulin.
Ipinaliwanag ng opisyal na maaaring makakuha ng medical benefits, cash assistance, maging ng death at funeral benefits ang mga teaching at non-teaching personnel na tinamaan ng virus.
Una na ring tiniyak ng DepEd na nakikipagtulungan sila sa Philippine Health Insurance Corporation para sa medical assistance sa kanilang mga kawani.
Sinabi pa ni Cabral na para ito sa Covid19 testing package at maging sa in-patient package.
Idinagdag pa ng opisyal na mayroon din silang isolation centers para sa mga kawani na nagpositibo sa Covid19.
Wala pa namang eksaktong numerong hawak ang DepEd sa mga tinamaan ng Covid19 sa hanay ng kanilang mga kawani dahil patuloy pa ang kanilang balidasyon.