SAPAT NA SELF-LEARNING MODULES SA 2021 PINATITIYAK NG SENADOR
PINATITIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian sa gobyerno ang sapat at patuloy na distribusyon ng self-learning modules.
Ito ay makaraang kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot implementation ng face-to-face classes sa mga low Covid-risk area sa Enero 2021.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t wala pa ring katumbas ang face-to-face learning, kailangang dumepende sa distance learning upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at mga magulang sa Covid19.
“The way forward for now, because the environment is very uncertain, is to make sure that we have modules being distributed and we have teachers that are being protected from Covid by making sure that they have access to personal protective equipment and access to testing,” pahayag ng chairperson ng Senate committee on basic education and arts.
Tiniyak ni Gatchalian na ‘well-funded’ sa ilalim ng P4.5-T 2021 national budget ang Department of Education upang matugunan ang mga programa sa edukasyon.
Binigyang-diin ng senador na kabilang sa pinondohan ang computerization, modules at iba pang requirements para sa distance learning, gayundin ang alternative learning system.