Nation

SAPAT NA GURO SA IP COMMUNITIES PINATITIYAK NG 2 LADY SENATORS

/ 31 October 2020

NAIS nina Senadora Nancy Binay at Imee Marcos na tiyakin ng Department of Education na may sapat na bilang ng mga kuwalipikadong guro sa mga Indigenous People Community at isa iba pang liblib na lugar sa bansa.

Ito ay makaraang ihayag ng DepEd na hindi na naipatutupad ang probisyon sa Magna Carta for Teachers hinggil sa secuurity of tenure na nagsasaad na ang isang guro na may 10 taon na sa serbisyo subalit walang civil service eligibility ay awtomatikong mabibigyan ng permanent status.

Sa pagdinig sa Senado, Ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Jess Mateo na ang naturang probisyon ay natabunan na ng probisyon sa Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act at Republic Act 9293 o ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994.

Batay sa dalawang batas, ang isang guro na hindi pa pasado sa Licensure Examination for Teachers ay maaaring ma-hire nang pansamantala sa kondisyong kukuha ito ng eligibility sa loob ng limang taon.

Iniulat naman ni Benjo Basas ng Teacher’s Dignity Coalition ang posibleng negatibong epekto nito sa mga IP community.

“May problema po tayo pagdating sa IP communities na talagang nangangailangan ng mga teacher. May teachers ang DepEd sa isang Aeta Community sa Tarlac kapag ang taga- DepEd ang nagtuturo ‘di po niya masyado maipresent. Dapat naa-accommodate ang IP teachers na kinakailangan. Ito ang areas na hindi attractive for teachers na may career o gustong puntahan. Para ito sa mga teacher na may mission. Ang dami na pong teachers from IP na ‘di nakakapasa sa LET,” pahayag ni Basas.

Aminado naman si Mateo na kailangang pag-aralang mabuti ang isyu sa IP community.

“Kaya may special policy on hiring IP teachers. Ang kailangan sigurong pag-usapan ay long-term solution to address the needs ng IP community, Muslim community,” sabi ni Mateo.

Hiniling ni Binay sa DepEd na isumite sa komite ang datos ng mga IP teacher na wala pang LET pero matagal nang naglilingkod.

Iginiit naman ni Marcos na dapar tiyakin ng DepEd na naibibigay ang pangangailangan ng IP community para sa dekalidad na edukasyon.

Sinabi naman ni Senador Win Gatchalian na maganda ang paghihigpit sa batas dahil matitiyak na mapapalakas pa ang kapalidad ng mga guro subalit dapat ding agad solusyunan ang problema kaugnay nito.

“My position here is the amendment became stricter but it is also better for the system because now you have teachers who are required to take LET for five years but there is also window there that we have to address,” diin ng senador.