Nation

SALIVA TEST IPINASASAMA SA HEALTH PROTOCOLS SA MGA ISKUL

/ 27 February 2021

INIREKOMENDA nina Senador Richard Gordon at Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Education na pag-aralang isama sa kanilang ipatutupad na health protocols sa mga paaralan ang pagsasagawa ng saliva test sa mga guro at estudyante.

Ang rekomendasyon ng dalawang senador ay sa gitna pa rin ng pagtalakay sa mga hakbangin para sa ligtas na pagsasagawa ng pilot testing para sa face-to-face classes.

Sinabi ni Gordon na maaaring makapaglaan ng pondo ang bawat paaralan para sa saliva test upang agad na maihiwalay ang mga guro o estudyante na may virus.

Sa suhestiyon ng senador, ang mga magpopositibo sa virus ay maaring makapagpatuloy ng pag-aaral sa pamamagitan ng distance learning.

“We can separate those who are sick. And those who are sick should be provided with gadgets for online learning,” pahayag pa ni Gordon.

Naniniwala naman si Gatchalian na sa pamamagitan ng paglalatag ng tamang health protocols at pagdaragdag ng saliva test, maisasakatuparan ang pilot testing ng face-to-face classes.

“Aside from the traditional health protocols, we have to be open to new technology like the saliva testing. It is economicaI,” paliwanag ni Gatchalian.

“There’s no substitute to face-to-face learning.  Education is the key to any country’s success,” dagdag pa ng senador.