Nation

SAKLAW NG TERTIARY EDUCATION SUBSIDY PINALAWAK

/ 18 January 2022

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magpapalawak sa tertiary education subsidy.

Sa botong 200-0, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 10560 na nagsusulong na saklawin na ng Tertiary Education Subsidy ang mahihirap na estudyante sa private higher education institutions.

Sa inaprubahang panukala, aamyendahan ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education na limitado lamang sa mga estudyante sa local at state universities and colleges.

Naniniwala naman si ACT Teacher Partylist Rep. France Castro na ang pagpapalawig sa coverage ng Tertiary Education Subsidy ay hakbang upang gawing mas accessible sa mas maraming kabataang Pilipino ang edukasyon.

“Sa pagpasa ng House Bill 10560, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kwalipikadong kabataan mula sa mga mahihirap na pamilya na makapag-aral nang libre, sa pamamagitan ng isang voucher system, kahit na ang school of choice nila ay pribadong kolehiyo at unibersidad.  Bukod sa libreng tuition and other fees, mabibigyan din sila ng subsidies para sa school supplies, gadget support, at iba pa,” din ni Castro.

Sa inaprubahang panukala, magkakaroon ng budgetary allocation sa pamamagitan ng voucher system para sa mahihirap at academically competent students na nais mag-aral sa private HEI at private Technical Vocational Institutions sa mga lugar na walang SUCs, LUCs at public TVIs.

Saklaw ng benepisyo ang tuition at iba pang school fees, kasama rin ang allowance para sa libro, school fees, transportasyon at reasonable allowance para sa documented rental o pagbili ng personal computer o laptop kung kinakailangan.