Nation

‘SAGOT FOR SALE’ SCHEME ISINISI NG SOLON SA DEPED

/ 9 March 2021

PAG-AAKSAYA lang ng oras ang pag-iimbestiga pa ng Department of Education sa sinasabing ‘sagot for sale’ scheme.

Ito ang binigyang-diin ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa panayam ng The POST.

Sinabi ng kongresista na ang iskemang ito ay resulta ng palpak na sistemang ipinatutupad ng DepEd kaugnay ng blended learning sa gitna ng Covid19 pandemic.

“That would be a waste of time for the Deped. ‘Yan talaga ang puwedeng maging resulta ng sistemang nilikha ng blended learning,” pahayag ni Castro sa The POST.

Nagtataka rin ang lady solon sa hakbang ng DepEd na imbestigahan ang iregularidad gayong naniniwala sila sa kanilang survey na halos lahat ng mga estudyante ay pasado.

“Bakit pa nila gagawin ‘yan ‘di ba sabi sa survey nila almost all students passing? Ilaan na lang ang time nila kung paano mapapahusay pa ang pagtuturo ng mga guro, pag-motivate sa mga bata na lalo pang magpakahusay sa pag- aaral at para maibsan ang paghihirap ng mga guro, estudyante at mgulang sa blended learning,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.

Nilinaw rin ni Castro na wala siyang balak magsulong ng resolusyon upang paimbestigahan pa ang ‘sagot for sale’ scheme at sa halip ay patuloy na nananawagan sa gobyerno na bigyan ng sapat na armas ang mga guro at school personnel upang matiyak ang ligtas na pagbabalik eskwela.